Tinatayang umabot sa 19,684 na mga taga-Western Visayas ang napabilang sa mga benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program o SLP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ayon kay Willardo O. Ochon, DSWD-6 SLP Social Marketing Officer, nasa Php195.9 milyong halaga ang naaprobahan na ibabahagi sa mga benepisyaryo na kabilang sa listahan ng mga mahihirap na pamilya sa rehiyon.
Dagdag pa niya na ang programa ay may pangunahing layunin na suportahan ang mga mahihirap na pamilya sa pamamagitan ng tulong pinansyal upang magkaroon sila ng puhunan para sa paghahanap-buhay.
Ang programa ay may dalawang bahagi, kabilang dito ang micro-enterprise development kung saan bibigyan ang mga benepisyaryo ng Php15,000.00 bilang kapital at para sa mga karagdagan pang mga pagsasanay.
Ang pangalawa naman ay employment facilitation kung saan ang mga benepisyaryo ay makakatanggap ng Php5,000 grant bilang employment assistance fund.
Sinabi rin ni Ochon na ang pamamahagi ng naturanf livelihood aid ay inaasahan upang matulungang makabangon ang ating mga kababayang lubos na naapektuhan sa mga community lockdown dulot ng pandemic ng nakaraang taon.
Pinakamarami sa mga napabilang na benepisyaryo ay mula sa probinsya ng Negros Occidental at Iloilo.