Tinatayang nasa kabuuang 14,000 na puno ang kasalukuyang naitanim sa loob mismo ng highly urbanized na lungsod ng Iloilo, ito ay kasunod sa pagpapatupad ng lokal na pamahalaan ng Iloilo City ng malawakang pagtatanim ng puno simula noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Pinangunahan ni Iloilo City Executive Assistant for Environment Armando Dayrit, ang malawakang tree planting activities sa lungsod, kung saan nagtanim sila ng mga puno sa mga bakanteng lugar ng iba’t ibang barangay, gilid ng kalsada, at mga floodway.
Sa katunayan, kasalukuyan silang nagpapalaki ng nasa 5,000 native species na mga puno sa kanilang nursery sa Barangay Caingin sa La Paz District.
“Aside from deterring climate change, help(ing) the environment and promote tourism, we plant native trees because it is our own and should be proud of them,” dagdag pa ni Dayrit.
Nakapagtanim na ang grupo ng mga puno sa Barangay Taft North sa Mandurriao hanggang sa Ungka sa Jaro District, sa road island mula sa Atrium at sa City Proper hanggang Molo district, nakapagtanim din sila sa molecular laboratory sa Molo, at sa bakanteng lote sa Plaza Libertad.
“The floodway is where we intend to plant our mother tree and we will get our stocks there,” saad pa niya.
Native o indigenous trees ang kanilang binabalak na itanim, kung saan tumutubo sa rehiyon ng Southeast Asia. Kabilang dito ang dalawang species mula sa Iloilo – ang Iloilo at Anilao.
Mayroon din silang pinapalaki na Siar species, na ayon pa kay Dayrit itinanim ito ni Emilio Aguinaldo nang idineklara niya ang Kalayaan ng Republika ng Pilipinas at pinangalanang “Independent Tree”.
Habang ang city government ay nagtatanim ng native trees, di pa rin nila tatanggalin ang mga non-native trees sapagkat nakakatulong din ito sa paglaban sa problema kaugnay sa climate change.