Magsasagawa ang National Museum of the Philippines (NMP) ng dalawang linggong archaeological exploration sa San Bernardino Strait sa Northern Samar upang matukoy ang mga lumubog na barkong may kaugnayan sa Manila Galleon Trade at mga barkong pandigma na lumubog noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ang eksplorasyon, na isasagawa kasama ang Allen Exploration (AEX), isang kumpanyang Amerikano na dalubhasa sa ocean research, ay nakatakdang simulan mula Nobyembre 5 hanggang 18, 2025, at unang sasaklawin ang mga baybaying dagat ng Allen, Lavezares, Biri, at Capul sa Northern Samar.
Inanunsyo ng pamahalaang panlalawigan nitong Huwebes, Oktubre 16, 2025 ang nasabing plano matapos bumisita sa gobernador ng lalawigan na si Harris Christopher Ongchuan ang mga opisyal mula sa Maritime and Underwater Cultural Heritage Division ng NMP upang talakayin ang nalalapit na misyon.
“Ayon sa NMP, batay sa paunang pananaliksik, tinatayang may hindi bababa sa pitong barkong lumubog sa lugar na maaaring magbigay ng mahahalagang impormasyon ukol sa kasaysayang pandagat ng Pilipinas,” ayon sa pahayag ng pamahalaang panlalawigan.
Gagamitin sa eksplorasyon ang makabagong sonar technology sa loob ng Armada A86, isang makabago at de-kalidad na research at exploration vessel na may kakayahang magsagawa ng geophysical surveys at deep-sea mapping.
Tiniyak ng NMP na kung isasagawa ang isang archaeological excavation, mananatiling pag-aari ng pamahalaan ng Pilipinas ang lahat ng mahuhukay na artifact, upang mapanatili ang pambansang pamana, ayon pa rin sa pahayag ng pamahalaan ng lalawigan.
Ipinunto rin ng pamahalaang panlalawigan na dati nang pinangunahan ng NMP ang matagumpay na pag-recover sa lumubog na barko ng Manila Galleon na San Diego sa karagatan ng Batangas, kung saan higit sa 34,000 artifact ang nahukay at nakatulong sa mas malalim na pag-unawa sa kasaysayan ng pandagat ng bansa noong ika-17 siglo.
Ang San Bernardino Strait, na naghihiwalay sa Luzon at Samar, ay kilala bilang isang mahalaga ngunit mapanganib na daanang-dagat. Dahil sa malalakas na agos dito, maraming barko ang lumubog noong panahon ng Spanish Galleon Trade noong 1500s.
Naging isang estratehikong lugar din ang kipot na ito noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lalo na sa makasaysayang Battle of Leyte Gulf noong 1944.
Panulat ni Cami
Source: PNA
