Sunday, October 26, 2025

HomeNews124 kaalyado ng NPA sa Samar, tumiwalag sa kilusan

124 kaalyado ng NPA sa Samar, tumiwalag sa kilusan

Nasa kabuuang 124 kaalyado ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Matuguinao, Samar ang nanumpa ng katapatan sa pamahalaang pambansa sa isang seremonyang sumisimbolo ng kanilang muling pagtatalaga sa kapayapaan at pag-unlad sa lalawigan.

Ang mga dating kasapi ng Batakang Organisasyong Pampartido (BOP) at Yunit Milisya (YM) ng NPA ay pormal nang tumiwalag sa kilusang komunista sa pamamagitan ng isang seremonyang isinagawa nitong Biyernes, Oktubre 24, 2025.

Dumalo sa naturang okasyon ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga kinatawan ng militar at pulisya, at mga lider-komunidad na sama-samang nagdiwang ng tinaguriang mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa lugar.

Pinangunahan ni Mayor Aran Boller ang aktibidad, at binigyang-diin niya ang patuloy na pagsisikap ng lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga dating rebelde na muling makapamuhay sa lipunan.

“Ang deklarasyong ito ay hindi lamang isang okasyon — ito ay isang panibagong panata upang mamuhay nang may pagkakaisa, tiwala sa pamahalaan, at hangaring bumuo ng isang mas ligtas at mas maunlad na Matuguinao,” ayon kay Boller, na nagdagdag pang patuloy ang LGU sa pagbibigay ng mga programang pangkabuhayan at pangkaunlaran sa komunidad.

Sa seremonya, sabay-sabay na nanumpa ng katapatan sa pamahalaang pambansa ang mga dating kasapi ng BOP at YM, habang hayagang itinakwil ang kilusang komunista. Marami sa kanila ang nagpahayag ng pag-asa na makapagsisimula ng bagong buhay at makatutulong sa mga adhikain para sa kapayapaan at kaunlaran sa kanilang mga barangay.

Ang Yunit Milisya (YM) ay ginagamit ng NPA bilang agarang pwersang pantulong sa mga opensibang taktikal. Karaniwang may mababang kalibreng armas, sila rin ang inaatasang magmanman sa mga galaw ng pwersa ng gobyerno.

Samantala, ang Batakang Organisasyong Pampartido (BOP) ay nagsisilbing organisasyong masa na sumusuporta sa NPA sa pamamagitan ng pagbubuo ng baseng masa sa mga komunidad, pagbibigay ng pampulitika at lohistikal na tulong, at pag-impluwensya sa opinyon ng publiko.

Tinawag ni Mayor Boller ang kaganapan bilang “isang simbolo ng muling pagbabalik ng tiwala at pagkakaisa,” at idinagdag pa niya na,

“Wala nang dahilan para makipaglaban pa, dahil mayroon na tayong pamahalaang tunay na nagmamalasakit sa mamamayan.”

Ang Matuguinao ay isang ikalimang klaseng bayan sa lalawigan ng Samar na may populasyong mahigit 7,000 katao. Matatagpuan ito 105 kilometro mula sa Tacloban City, ang kabiserang panrehiyon ng Silangang Visayas.

Panulat ni Cami
Source: PNA

RELATED ARTICLES

Leave a Reply

[td_block_social_counter facebook="tinigngkabisayaan" twitter="TinigKabisayaan" youtube="channel/UCC_QNm7kwd7W63yRh3raxoA" instagram="TinigNgKabisayaan" tiktok="@tinigngkabisayaan" manual_count_facebook="278" manual_count_instagram="1" manual_count_tiktok="54" custom_title="STAY CONNECTED" header_color="#dd9933"]