Hindi bababa sa 12 na miyembro ng New People’s Army (NPA) ang sumuko sa militar sa Eastern Visayas mula nang ilunsad ang isang inisyatiba na nag-uugnay sa pwersa ng gobyerno sa mga pamilya ng mga rebelde.
Ang pinakahuling sumuko sa pamamagitan ng Friends Rescued Engagement through their Families (FReE Families) project ay sina John Carlo Belicario ng General MacArthur at Marco Estil ng Borongan City sa Eastern Samar.
Sina Belicario at Estil ay parehong miyembro ng Squad 3, Fire Platoon ng NPA-Eastern Visayas Regional Party Committee.
Sila ay sumuko noong Oktubre 25 o apat na araw lamang matapos sumuko ang tatlong rebelde sa Philippine Army noong Oktubre 21, 2023. Isinuko rin ng mga rebelde ang tatlong 5.56mm M16 rifle at isang AK47 rifle.
Noong Oktubre 10 naman ay nagpasya din ang pitong miyembro ng NPA sa Eastern Samar na talikuran ang armadong pakikibaka at i-turnover ang apat na matataas na armas.
Ibinunyag din nila ang lokasyon ng arms cache na binubuo ng dalawang M16 rifles, isang M14 rifle, at isang M653 carbine at iba pang war materials sa hinterlands ng Borongan City, Eastern Samar.
“They became credible allies having experienced the good treatment from the government, which opened their eyes to the reality that they were only deceived by the communist NPA’s propaganda, lies, and deceptions,” sabi ni Brig Gen Noel Vestuir, Commander ng 802nd Infantry Brigade ng Philippine Army, sa isang pahayag nitong Huwebes, Oktubre 26, 2023.
“Naging kapani-paniwala silang mga kaalyado nang naranasan nila ang mabuting pakikitungo mula sa gobyerno, na nagbukas ng kanilang mga mata sa katotohanan na sila ay nalinlang lamang ng mga propaganda, kasinungalingan, at panlilinlang ng komunistang NPA,” sabi ni Vestuir.
Ang FReE Families na inilunsad noong Oktubre 4, 2023 ay isang proyekto ng Eastern Samar Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Ang mga sumuko ay naghihintay na lamang ng tulong mula sa gobyerno sa pamamagitan ng Enhanced Comprehensive Livelihood Integration Program.