Mahigit isang libong residente ang pinalikas ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) Mandaue, bilang bahagi ng preemptive measure habang ang Severe Tropical Storm Paeng ay patuloy na nagpapaulan sa buong Cebu at iba pang bahagi ng bansa.
Ayon sa head ng CDRRMO, Buddy Alain Ybañez nito lamang Sabado, Oktubre 29, 2022, ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog ng Butuanon River sa 6.5 Zone Ahos, Barangay Paknaan ay sinabihan na umalis sa kanilang mga tahanan noong Biyernes ng gabi, Oktubre 28.
Noong Biyernes din ay inutusan ng CDRRMO ang mga pamilyang nakatira sa loob ng three-meter easement zone sa tabi ng Butuanon River sa Barangay Tingub, Maguikay at Casuntingan na lumikas.
Sa datos ng CDRRMO, 1,044 na indibidwal, o 269 na pamilya, ang inilikas na at nananatili sa pitong evacuation camps ng lungsod, hanggang 12:35 ng tanghali nitong Sabado.
Pero nilinaw ni Ybañez na hanggang ngayon ay wala pang lugar sa Mandaue na binaha kahit patuloy ang bugso ng ulan.
Hinikayat naman ni Ybañez ang mga residente, lalo na ang mga naninirahan sa loob ng mga danger zone, na makipagtulungan at huwag maghintay ng isang trahedya na darating bago sila magdesisyong lumikas.